Huwebes, Nobyembre 10, 2016

Repleksyon (mensahe ng butil ng kape)

Repleksyon
       Ng aking mapansin ang pamagat ng kwento, ako ay lubos na napaisip. Ano ang naisipan ng may akda at ang ginamit na pamagat ay "Butil ng Kape"? Tungkol saan ang istoryang ito at ano ang makukuhang aral dito? Ako'y namangha matapos kong mabasa ang maikling akda na naglalaman ng makabuluhang mga salita na hindi ko inasahang masasambit ng isang ama.
       Sa aming pamilya, hindi ako gaanong malapit sa aking magulang lalo't higit sa aking ama. Maging sa aking ina ay hindi ako nagsasabi ng aking nararamdaman at maging sila ay hindi gaanong nagpapakita ng lambing sa aming mga anak nila. Sa kwentong ito, nabuksan ang aking isipan na kahit sa hindi tuwirang paraan ay maaaring ipakita ng ating mga magulang ang kanilang pagmamahal. Hindi man natin gaanong napapansin, lubos ang kanilang pag gabay upang tayo ay mapunta sa liwanag at tuwid na landas. Aminin man natin o hindi, walang magulang ang gustong mapahamak at mapariwara ang anak. Lahat sila ay nagnanais na mabigyan tayo ng magandang buhay sa tulong ng kanilang mga payo at paalala.
       Tulad na lamang ng ginawang pamamaraan ng ama sa kwento. Ipinakita niya sa kanyang anak ang iba't ibang katangiaan ng tao sa tuwing haharap sa problema. Ginamit niyang kasangkapan ang tubig bilang mga bagay na siyang nagdudulot ng paghihirap at pasakit. Ang karot na nasa unang palayok ay inilarawan bilang matigas subalit ng ito'y pakuluaan, lumambot at nawala ang tigas na taglay. Parang buhay ng isang tambay, sa kalye akala mo kung sinong siga subalit pag sinubok na ng unos ay bumibigay na. Kung minsan pa'y nauuwi sa pagkikitil ng sariling buhay sapagkat hindi na kinaya ang hirap na nararanasan. Sa labin'pitong taon na aking pananatili sa mundong ito. Madalas ay nararamdaman ko na parang isa rin akong karot na lumambot matapos pakuluan sapagkat minsan sa buhay naiisip na nating sumuko sa dami ng ating iniisip at dinadamdam subalit patuloy tayong bumabangon sa tulong at gabay ng mga taong malalapit sa atin na siya nating pinagkukunan ng lakas at tibay ng loob.
        Ang ikalawang palayok na naglalaman ng itlog ay inilarawan niya na may puting balat ang loob ay malambot subalit ng ito'y maluto, naging matigas ang loob. Kung sa tao'y siya ang masasabing nasa loob ang kulo. Masasabing siya rin ay ang taong mabait sa harap ng iba pero sa loob ng kanyang puso'y hindi siya marunong magpatawad. Nagiging matigas ang kanyang damdamin at pinapairal ang tinatawag na "pride". Magaling magkubli ng totoong kasamaan at tanging kabutihan ang pinapakita sa karamihan. Madalas ngang sabihin na "masamang magalit ang mga mababait".
        Ang butil ng kape na inilarawan bilang bagay na nagbigay ng kulay at lasa sa tubig. Kumbaga sa tao, siya iyong masasabi na may positibong pananaw sa buhay. Siya ang tao na naiisipang tumawa sa harap ng problema. Ang butil ng kape ay maihahalintulad sa ating mga Pilipino. Bumagyo man,bahaiin kahit liparin ang bubong, nakukuha pang maging masaya. Ito ay isa sa mga katangiaan na kilalang kilala sa mga Pilipino. Tila nababago ang timpla ng sitwasyon kung sa tuwing may problema, hindi tayo magmumukmok at magsasantabi lamang. Hahanap tayo ng solusyon at ika nga, babaguhin ang ihip ng hangin.
        Matapos kong unawaain ang nais ipabatid ng istorya, nabigyang linaw ang mga naging katanungan sa aking isip. Butil ng kape ang pamagat ng akda sapagkat pinakamainam na paraan upang lumutas ng mga suliranin ang kanyang isinimbolo rito. Napagtanto ko na ang kwento ay nagtuturo sa anak ng mabuting gawi sa pagharap sa problema. Payo ng isang ama upang mas mapabuti ang kanyang anak. Maraming aral ang naituro sa akin ng kwento, aking naintindihan na ang mga payo ng magulang ay dapat sundin sapagkat ito'y makakatulong sa atin. Aasahan ko ang aking sarili na maisasabuhay ko ang bawat aral na aking natutunan at nawa'y maging ang ibang nakabasa nito ay mabatid ang nais iparating ng may akda.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento